Date Originally Posted: 05/18/18
“Sakit. Pighati. Pait.
Mga salitang namaon sa paglipas ng panahon.
Mga salitang may baon pang bisa
Mga salitang nais kong ipaantabay sa umpisa
Sakit. Pighati. Pait.
Mga kapani-paniwalang salita
Pilit akong ibinabaon sa kahapon
Ayaw kumawala at ipinaglalaban ang pwesto
Pilit ipinapaalala ang ayaw ng alalahanin
Sakit. Pighati. Pait.
Bakit pa hinayaan ang puso’y umasa’t maghinanakit
Bakit di pa binitawan ang pilit na lumalayo
Bakit pa kinailangang kontrolin ang alam ko namang para sa akin
Sakit. Pighati. Pait.
Huwag na sana pang kumapit
Sa pusong pagod ng mapagod
Sa pusong pagod ng lumaban
Sa pusong paulit-ulit na lang nasusugatan
Ngunit paano?
Paano hindi maiwasang hayaan?
Kung ang mundo’y walang pagugunita
Kung ito’y patuloy na umiikot sa halip ng pagiisa
Kung ang mga salita ay patuloy pang pinapaalala ang kanilang bisa
Kaya bang hayaan?
Hayaan ang sariling magpakatotoo
Hayaan ang sariling magising
Na sa kung minsan ay di mapilit kayanin
‘Di kayang magpakatatag palagi
‘Di kayang ngumiti habang may poot na nagpupumilit manatili
Hindi pa kayang magtiwala
Hindi pa kayang sumugal muli
Kaya bang lumaya?
Lumaya’t malayang huminga
Lumaya’t maging malayang piliin ang sarili
Lumaya’t di pilit intindihin ang hindi talaga maintindihan
Yayakap at yayakapin muna
Pahihintulutan muna ang sariling magbigay ng saysay sa nararamdaman
Yayakapin muna ang sakit at paghihinakit
Nanamnamin
Nanamnamin ang katotohanan sa kabila ng pagkatao
Haharapin na hindi pa kaya
Na hindi pa pwede
Na hindi karapat dapat pilitin ang pagkukusa
Pero, irog
Irog, huwag mo sanang kalimutan na hindi lahat ng pinanghahawakan ay hindi nakakapaso
Hindi lahat ng pinangangalagaan ay karapat dapat manatili
Hindi lahat ng sakit ay dapat pilit ramdamin
Hindi lahat ng apoy ay dapat pakainin ng hangin
Naiintindihan kita
Naiintindihan ko na masakit
Na kung pwedeng kahat hatiin lamang ang pighati ay pipiliin
Para humupa na
Para tumigil na
Para matapos na
Mula sa pait na pilit namumunga, nais ng kumawala
Tahan na
Huwag ng pakinggan ang mundo na hindi posible
Na hindi posibleng mabuhay muli
Na hindi posibleng magmahal muli
Na hindi posibleng magtiwala muli
Isa-tama muli ang pananaw
Hindi palaging tama ang boses ng sumisigaw
Balansehin ang sarili sa mundong ibabaw
Salain ang pinapapasok, baka sakali’y katotohanan’y maagaw
Tama na
Hayaan ang sariling umasa muli’t magbago
Huwag ipagdamot ang lubid at mangako
Sa sariling pagod ng sumugod ng sugatan
Irog, tandaan
Tandaan ang Kaniyang mga salita
Maalala sana ang saya ng kapiling Siya
Tandaan na ang tanging paraan upang makita ay pananampalataya
Ika’y maniwala
Maniwala na hindi ka Niya iniwan at iiwan
Na hindi ka Niya binigo at bibiguin
Na hindi Siya katulad nila
Hinding hindi Siya tutulad sa kanila
Bigyang buhay ang pangako na lahat ng ito’ý panandalian lamang
Panghawakan
Panghawakan ang ipinangako
Ang katotohanan na sa Kaniya’y walang impossible ay ipako
Huwag matakot
Huwag ikatakot na posibleng hindi maulit ang kinakatakot-takot
Posibleng sumugal muli ng hindi natatalo
Sa Kaniya’y hindi ipinagkakait ang pagkapanalo
Piliing tumingin
Tumingin sa Kaniya’t huwag lumingon pabalik
Labis na nananabik
Ang bawat pagtibok ng puso Niya’y umaasa sa iyong pagbalik
Sa iyong pagdinig
Sa iyong pagpiling manatili
Sa iyong patuloy na paggaling
Piliing sumunod
Ang paggawang sumunod’y nakabase lamang sa biyaya
Nanunuot
Nanunuot ang epekto ng Kaniyang ginawa
Noong sa bawa’t di pagintindi, Siya ang nagparaya
Sa bawa’t pamamanhid, Siya ang umako
Sa bawa’t pagtanggi, Siya’y di sumuko
Nanunuot ang epekto ng Kaniyang ginawa
Naaalala na sa paggawang pagbangon muli, di na mag-iisa
Kasama mo Siya
Irog, tama Siya
Tama Siya na pagpapatawad lamang ang tanging paraan
Ang tanging paraan upang tunay na mahalin ang kapwa’t sarili
Kaya’t patawarin muna ang sarili
Sa pagsugod noong sinabi Niyang sumuko
Sa pagsuway noong sinabi Niyang sumunod
Patawarin ang sarili sa mga walang hanggang “paano kung”
Maniwala na ang mga “paano kung” ay walang bisa kung ikokompara sa mga susunod
Sa mga susunod na ipinangako ng mapagmahal na Poon
Sa mga susunod na puno ng saya, na puno tuwa
Para sa mga anak Niyang tunay ang pagmamahal sa Kaniya
Pinatawad ka na Niya
Huwag sanang kalimutan
Huwag sanang kalimutan ang pinagmulan nito
Noong ang mundo Niya’y tumigil para sayo
Dalawang libong taon na ang nakalipas noong ika’y pinili ng may Poon
Walang halong siguro
Hindi kinailangan ng pagtatanto
Hindi nakabatay sa iyong pagtrato
Hindi nakasalalay sayo o sa iyong pag-oo
Kundi nakasalalay sa Kaniya
Ang sakripisyo’y isinagawa dahil mahal ka Niya
Sa kaniyang puso’y wala mas hahalaga pa
Dahil mahalaga ka
Walang iba pang hiling kundi ang puso’y ibigay sa Kaniya
Dahil walang papalit sayo
Katangi-tangi ka sa mga mata Niya
Huwag sanang bale-walain
Irog, huwag sanang maliitin
Ang presyo ng kalayaang nakahanda para sayo
Buhay at dugo inilaan ng walang halong reklamo
Irog, malaya ka na
Malaya ka na kung pipiliin mong lumaya.“